people

Makikita nyo po ang mga kuha kong larawan nang ako ay naghalal ng aking napupusuang mamuno sa ating bansa. Kahit tatlong oras na akong nakapila dahil sa iisa lamang na PCOS machine ang pinipilahan ko ay sulit naman ang paghihirap. Mabuti na lamang at ang babae sa likuran ko ay matiyaga akong pinaypayan dahil na rin sa kahabag-habag at kalunoslunos kong hitsura na para akong pawis na tinubuan ng tao. Sayang at sa tatlong oras naming pagkukwentuhan ay hindi ko nakuha man lang ang pangalan nya pero hindi na bale ang mahalaga ay naiboto ko ang kandidato ko kahit na talunan. Hindi man lumabas ang mga napili kong mga karapat-dapat sa tingin ko na mamuno ay masaya na rin ako dahil sa naipamalas ko ang kahalagahan ng pagboto ko bilang isang Pilipino.

                         Parang balik paaralan lang. Tagaktak ang pawis ko habang kikukunan ko ng larawan.

   Tama ba naman yan? Bakit ganito ang paaralan na to? Baka maraming estudyante ang maaksidente dito!
   Ito po ang plug ng electric fan na nakikita nyo sa naunang larawan.

Masasabi na sa pangkalahatan ay mapayapang naidaos ang eleksiyon. Sana lalo pang mapabuti ang susunod na halalan. Sa mga kababayan ko, sana po magkaisa tayo kahit magkaiba-iba tayo ng manok noong nakaraang halalan. Suportahan na lang natin ang mga nanalo sa eleksiyon para sa ikabubuti ng ating mahal na Pilipinas.

Ano ba ang nangyayari? Sa aking pagmamasid kung bakit halos wala nang bukas kung lumustay ng salapi ang mga pulitiko ay sa kadahilanang ang magiging kapalit ay higit pa na salapi, kapangyarihan, at pangalan na mailalathala sa kasaysayan na maaring tamasahin ng mga bagong henerasyon ng pamilya ng isang pulitiko.
Masakit lang isipin kung bakit nauungusan na tayo ng ating mga karatig-bansa sa kaunlaran. Hindi ko lang lubos maisip kung bakit sa kabila ng yaman at angking talino ng mga Pilipino ay salat pa rin sa pananalapi si Juan dela Cruz. Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara ang isa sa mayayaman na bansa partikular ang maliit na bansa sa Timog Silangang Asya na hindi ko na pangangalanan na talaga namang makikita mo ang kaunlaran sa kabila ng 7% VAT lamang. Malaki pa ang kalakhang Maynila sa bansang ito na sumisingil lamang ng pitong porsyentong VAT subalit di hamak na mas mayaman sa ating bansa. Sa 7% na yan makikita mo ang buwis sa mga magagandang imprastraktura, at napakaginhawang transportasyon mapa-bus man, mapa-taksi o mapa-tren.
Isa pa sa napuna ko sa ating bansa ay kung bakit ginawa ang mga pampublikong imprastraktura na halos pumapabor lamang sa mayayaman at may mga sasakyan. Saan ka nakakita ng isang tawiran na hindi pedeng tawiran? Nakasasama ng loob na sa kabila ng buwis ng mamamayan ay kailangan mo pang bumaba at tumawid sa kabilang tawiran na magiging tagaktak ang pawis mo bago ka makapanaog. Isang masamang halimbawa rito ay ang tawirang bagong gawa sa MRT-Taft Station sa Pasay.
Ngayong panahon ng pangangampanya usong-uso ang pagpapakilala at pagpapabango ng pangalan ng mga negosyante at sugarol na mga pulitiko.Hindi ko naman nilalahat pero mas nakararami ang mga ito. Eto ba ang ipapamulat natin sa ating mga anak? Nasabi kong sugarol at negosyante sa kadahilanang isang paraan ng pamumuhunan at pagtaya manalo o matalo man sa eleksiyon ang isang pulitiko.
Ngayong panahon ng eleksiyon maging matalino tayo sa pagpili ng iboboto at huwag lamang po tayong titingin sa mismong kandidato, alamin po natin ang mga sumusuporta sa mga ito.
Habang nilalathala ko ang artikulong ito ay marahil ay natunaw na ang aking kinain sa fast-food kani-kanina lamang sa halagang PHP 150. Sa halagang ito ay hindi ko namamalayan na PHP 18 na pala ang buwis sa aking kinain. Kung sa isang araw ay isang milyong Pilipino ang kumain sa fast-food sa ganun ding halaga ay tiyak na may kinita na ang pamahalaan ng PHP 18,000,000 sa katulad ng kinain ko lamang. Naniniwala ako na bagamat hindi ako kawani ng Rentas Internas ng Pilipinas ay bilyon-bilyong piso ang kinikita nito sa isang araw pa lamang. Nasaan na ang mga salaping ito? Paano ginagamit sa tamang paraan?  Ngayon ako namumulat na kaya pala maraming patayan ang nagaganap sa pulitika lalo na sa panahon ng eleksiyon ay dahil sa pera na maaring mapasakamay ng mga taong may kapangyarihan sa pamahalaan.   Iyon ang hindi ko lubos maisip ng ako ay musmos pa lamang mga dalawampung dekada na ang nakararaan.



Ang ipinuputok ng kalooban ko ay ang 12% VAT na kung bakit mula sa nakamulatan kong 10% na nagtaas ng 12% ay ganun pa rin, wala pa rin makain ang nakararaming pamilyang Pilipino. Kasakiman, kurapsyon, at kakulangan ng disiplina ang mga pangunahing dahilan ng kahirapan natin. Dapat ay putulin na ang ganitong nakagawian sa pulitika. Hindi po kakayanin ng ating mga namumuno, dapat po na magkaisa tayo at tutukan ang mga nang-aabuso sa pamahalaan at sa sistema ng ating pamumuhay.

   


Noong Pebrero 9, 2010 nagsimula ang pangangampanya ng mga lalahok at kumakandidato para sa pambansang posisyon kabilang na ang pinakamataas na posisyon sa ehekutibo o sa kilalang tawag na pangulo ng Republika ng Pilipinas. Samu't-sari ang pakulo ng mga tumatakbo sa ating panahon ngayon. Marami diumano ang lumalabag sa mga airtimes sa telebisyon at ang maling pagpaskil ng nga mukha ng mga pulitiko sas pampublikong lugar. Sa internet ay kanya-kanya rin ng pakulo. Ginagamit na rin ang mga social networking sites at mga bloggers para sila ay higit pang makilala ng mga tao. Ang nakakagimbal dito ay kapag matapos na ang eleksiyon at papaano babawiin ng mga talunan at kahit ang mga maitatanghal na nagwagi sa halalan ang kani-kanilang gastos.

Marami rin ang agam-agam na baka magkaroon ng failure of elections sa kadahilanan na bagong sistema ang mangingibabaw sa Mayo 10, 2010. Ngayon pa lang natin masusubukan ang pagboto sa pamamagitan ng makabagong makinarya.

Lalong umiinit ang kampanya ngayon nang opisyal nang nagsimula ang pangangampanya ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon noong ika-26 ng Marso. Nagsasanhi ito ng mabagal na daloy ng trapiko lalo na sa kalakhang Maynila. Muli na namang maririnig ang iba't-ibang ingay ng mga pulitiko. Panahon na naman ng panliligaw. Panahon na naman ng pamumuhunan at pagkatapos ng eleksiyon ay magsisimula ang pagbawi ng mga ipinihunan. Ang pangulo ng bansa ay nasa mahigit Php 80,000 lamang kada-buwan na sahod. Ang ibang tumatakbo sa pagkapangulo ay namuhunan na nang mahigit sampung milyong piso. Kung susumahin natin ang isang pangulo ng bansa ay sasahod lamang ng hindi tataas ng sampung milyong pisong sahod sa buong termino nito. Kapangyarihan ang matinding dahilan kung bakit gusto nilang manalo. Kakaunti na lamang ang may tapat na hangarin para paglingkuran ang bayan. Maging matalino tayo sa pagpili ng ating ihahalal sa Mayo 10. Bantayan po natin ang ating mga boto.


Ang pangangako ay natural at paulit-ulit na lang naririnig tuwing panahon ng halalan. 

Lubos akong nagpapasalamat sa bahaging ito ng aking blog na naglalayong magparating ng mensahe sa bawat Pilipino o may pusong Pinoy na marunong magsalita, bumasa, at sumulat sa wikang Pilipino. Eto po ay isa sa espesyal kong artikulo at hanggat maari ay ayaw kong haluan ng salitang banyaga upang tayu-tayo lamang po ang nakaiintindi sa mga pahinang inyong nababasa rito. Gayunpaman, nais ko pong magpaumanhin dahil sa aking paggamit ng salitang Ingles sa unahan ng pamagat. Wala kasing angkop o naglalarawan ng tama sa aking nararamdaman sa salitang Tagalog. Hindi naman maaaring palitan ko ng salitang “pinaghahanap” ang salitang “wanted”. Mas nakapupukaw ng atensiyon and nasabing banyagang salita sa aminin man natin o sa hindi. Kunsabagay tinatanggap na rin natin ang wanted sa salitang Pinoy. Gayunpaman nais kong iparating ang aking nararamdaman sa larangan ng sining sa Pilipinas partikular dito and pelikula at palabas sa pangtelebisyon.

Ang akin pong tinutukoy dito sa artikulong ito ay ang napapanood nating gawang Pinoy na palabas. Sa inyo bang opinyon masasabi nyo ba na ang kalidad ng produksyon ng pelikulang Pilipino at teleseryeng natutunghayan natin at nakakasalo sa hapag-kainan ay masasabi ba nating angat o pumapantay sa mga pelikulang banyaga tulad ng gawang Amerikano at Koreano halimbawa? Wala po tayong masamang tinapay o kaning panis para pintasan ang sariling atin. Layunin lamang po nitong nababasa niyo na gisingin at ibahin ang konsepto ng mga taga-sulong ng sining sa ating bansa lalong-lalo na sa larangan ng pagtatanghal. Marahil maraming magagalit sa aking mga direktor, taga-panulat, at iba pang mga miyembro ng produksyon sa pelikula at programa sa telebisyon pero eto po ang masakit na katutuhanan. Hindi lang po pamumuna ang layunin ng kulom na ito kundi ay kung papaano nating magagawang angat ang Pinoy at masasabi natin sa ating sarili mismo na may pambato tayo na maaring ipagmalaki ng bawat Pilipino sa buong mundo.

Ang inyong abang-lingkod ay personal na nagsasawa na sa mga palabas na gawang Pilipino. Masakit po na katutohan pero ito po ang aking nararamdaman. Napaka-corny po ng palabas! Nakakasawa na, dumudugo na ang tenga’t mata ko at nangangati nang pindutin ang remote control ng 32-inches flat screen TV ko na Panasonic ang tatak para ilipat sa AV at manood na lang ng paulit-ulit na “Ironman” at “Resident Evil-The Extinction”. Sa maniwala kayo’t sa hindi pangsampung ulit ko ng pinanood ang Ironman at limang beses ang Resident Evil. Minsan mas minamabuti ko nang pihitin ang switch-off button para patayin ang telebisyon upang makatipid sa enerhiya kesa manood ng walang kwentang palabas sa local channels. Kung ihahalintulad sa pagkain ay para pong lugaw na walang asin at sahog na umuorong ang sikmura ko kapag nakikita o naaamoy ko pa lang, iyan po ang pelikula at programa na napagiiwanan ng mga dekalidad na programang banyaga.

Hindi po natin masisisi na hindi po tayo makapagtanghal ng kagaya ng mga napapanood nating pelikula na galing sa Hidalgo sa may Quiapo na kahit malabo ay pilit nating pinanonood kesa ang malinaw na resepsiyon ng local tv programs.

Eto po ang akin dito, sana may maisip ang mga prodyuser, direktor, at script-writer na bagong konsepto sa larangan ng pagpapalabas. Bago yan, nais ko pong iparating sa inyo na hindi naman po lahat ng programa o pelikulang pinoy ay lasang lugaw. Saludo ako sa mga gag shows natin, mga dokumentaryo na halata pong pinagsikapan ng mga batikang tagasaliksik, reporter, at ang mga bumubuo nito. Wala rin po akong masasabi sa mga tagapagbalita natin! Ang akin lamang po na bigyan ng diin dito ay ang mga teleserye natin, mga drama na halatang alam na natin ang mangyayari sa huli kundi mamatay ang isang bida o ang kontrabida ay magkakasundo sa huli. May mga lumilipad at kung anu-ano pang mahika pero halata namang nakatali ang superhero at napaka-obvious ang mga effects. Sana naman kung ang layunin nila ay pambata ang manonood ilagay na lang sana nila ang programa sa pambatang oras. Siguro mapapa-wow ang mga bata pero habang tumatanda ka napapa-yuck ka na sa ganitong uri ng palabas! Sa larangan ng romantikong palabas o ang love-stories napaka-sweet ng mga magkaparehas kahit ang manoood ay halos langgamin na sa ipinapakita nila at kapag aksiyon puro naman barilan. Ang ibig ko pong iparating ay sana naman may magandang takbo ang istorya at may mapupulutan ng aral. Well, hindi ko po sinasabi na lahat ng palabas sa atin ay ganun po pero masakit isipin na karamihan ay nakakasawa ng panoorin.

Noon po ay pumatok ang Mexican-novela at ngayon naman po ay Korean-novela at may Taiwanese boy-band pa na pinagkagastusan nating papuntahin sa Pinas. Ganun na ba kadesperado ang Pilipino? Sayang naman po ang husay ng mga artista natin kung ang script na ginagampanan nila ay hanggang doon lang. Napansin ko na may magandang istorya ang mga kumakagat sa panlasa ng tao mapa-Pilipino man o hindi. Hindi ko po sinasabi na kailangan nating mala-Saving Private Ryan ang mga action movies natin at mala-Ironman ang superhero natin. Kung hindi po natin kayang kumuha ng mga expert sa cinematic effects at sa computer graphics pupwede naman po tayong gumawa ng pelikula o programa na hindi kinakailangang magpakita ng ganun. Kung saan tayo mahusay duon po natin pagyamanin. Kung mahina po tayo sa larangan na iyon ay mas mabuti pang kalimutan na lang natin. Pagyamanin na lang natin ang kwento o ganda ng takbo ng istorya. Mas mabuti pa ang mga indie films at nakakahakot ng maraming parangal na may pagkilala sa buong mundo tulad ng “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” at “Kubrador”. Natutuwa ako sa palabas na pinamagatang “The Echo” isang Hollywood film na hango sa “Sigaw” isang horror film na gawang Pinoy.

Kung mapapansin po ninyo sa aking panulat na hindi lamang po pamumuna ang aking komentaryo kundi may pagkilala, pagpupugay sa mga magagandang pelikula at programang gawang pinoy na nararapat lamang parangalan. Maliban sa mga ito may mga ibinahagi rin po akong ideya o suhestiyon para mapaunlad ang magandang sining ng bansa sa larangan ng pagtatanghal. Ako po ay isang Pilipino at ayaw ko po na magwawalang-bahala na lamang sa mga nangyayari sa ating bansa. Lahat po tayo ay magkaisa para isulong at itaguyod ang magandang pangalan ng Pilipinas. Mahal ko ang bayan ko!

Sinu-sino ang mga tatakbo sa halalan? May masasabi ka na ba sa iyong sarili na nararapat maupo sa Malacanang? Papaano natin masisiguro na sila ang may magandang hangarin para sa ikauunlad ng bansa? Hindi kaya para sa kanikaniyang kapakanan lamang ang iniisip nila? Marami tayong alinlangan at dapat na kilalanin nating mabuti ang kanilang pagkatao, pumapalibot sa kanila o ang mga taga-suporta, at ang programa nila kung sila ang mauupo bilang may pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Huwag po tayong padadala sa mga pangangampanya nila o ang tinatawag na ads na ipinapalabas nila sa telebisyon, at sa mga pahayagan. Maging matalino po tayo sa pagpili ng iboboto. Kilalanin po nating mabuti ang kanilang karanasan sa paninilbihan sa bayan at pamilya. Ang pamilya ang sumasalamin sa pagkatao ng isang kandidato. Marahil hindi natin masasabi ng buo kung ano ang pamilya ay marahil ganoon din po ang isa sa miyembro nito. Ang pamilya ay isa sa nakakaimpluwensiya kung papaano hinubog ang isang tao o kandidato.

Huwag po tayong basta maniniwala sa mga sinasabi ng ibang tao. Bawat tao po ay may kanya-kanyang opinyon. Magkaroon po sana tayo ng sariling basehan ng pipiliin nating kandidato. Dito po nakasalalay ang ating kinabukasan. Panahon na po para bumangon ang Pilipinas.

Masakit isipin pero napakababa po ang tingin ng mga banyaga sa atin. Ang pag-asa ng ating inang bayan ay nasa bawat miyembro ng isang maliit na grupo o pamilya. Kung maayos po ang ating pamilya at tayo ay nagtutulong-tulong wala pong imposible na makakamit natin ang magandang ekonomiya ng bansa. Sa halip na tayo ay magaway-away nararapat po na magtulungan na lang po tayo. Itaguyod at ibangon ang ating bansa at ang lahi ng Pilipino.

Hindi po totoo na walang magagawa ang isang indibidwal para sa pagbabago ng ating bansa. Hindi po kakayanin ng pamahalaan natin kung tayo po ay walang disiplina sa sa ating mga sarili.

Sa darating na halalan maging mapagmasid at ipatrol ang ating mga boto.

Sana nga ay ito na po ang hinihintay nating pagbabago.

Alam ng nakararaming Pilipino at ngayon sa buong mundo ang karumaldumal na pamamaslang sa 57 katao kabilang ang maraming mamamahayag sa Maguindanao. Ito na ang tumalo sa tala ng pinakamaraming namatay na mamamahayag sa buong mundo sa iisang insidente at tinalo ang Iraq sa bilang na ito.

Nakilala ang Pilipinas sa maraming larangan at gayundin ang masasamang balita. Ito na ang isa sa mabigat na sumisira sa imahen ng ating bayan. Lahat na yata ng kaganapan na nakasasama sa ating bansa ay doon po tayo nakikilala. May mga nakakausap ako na taga-ibang bansa na nagsasabi ng mga negatibo tungkol sa ating bansa lalo na sa dakong katimugang bahagi, ang Mindanao. Kilala tayo na nagkakanlong ng mga terorista at ngayon naman ay naiuugnay ang karahasan na may kinalaman sa pulitika. Mukhang natabunan na ang mga magagandang parangal na naigagawad sa ating bayan. Masarap isipin na Pilipino ang unang nakapagtala ng pitong titulo sa boksing sa iba't-ibang dibisyon at nakatutuwang malaman na ang naitanghal na CNN Hero ay walang iba kundi isang Pilipinong bayani datapwa't masakit namang isipin na binahiran na naman ng isang madugong karahasang lumipol sa mga inosenteng biktima dahil lamang sa paghahain ng kandidatura ng isang pulitiko. Halos maubos ang angkan ng Mangundadatu kasama ang maraming mamamahayag na sumama para maghain sana ng kandidatura.

Nasaan na ang pagiging Kristiyano at Muslim nating mga Pilipino? Wala na yatang habag na kahit anumang relihiyon o paniniwala ay pare-pareho lamang na alam natin na ang pagkitil ng buhay ay isang masamang gawain. Nakalulungkot malaman na dahil sa away pulitika itinumba ang halos umabot sa animnapung katao. Marahil sa kadahilanan na mahihirapang mangdaya ang katunggali sa pulitika hindi na nila naisip na mahuhuli rin sila. Hindi na inisip ang maaaring kahahantungan ng kanilang pagpatay. Dapat sa kanila ang makulong at mabitay hindi gawain ng matinong tao ang ganitong karumal-dumal na krimen.


Bukas, ika-15 ng Nobyembre ay inaasahan sa buong Pilipinas ang pagbaba ng krimen. Kung kayo ay may lakad sa araw na ito maniguro na isaayos ang inyong skedyul dahil baka mahuli kayo sa bakbakan ng dalawang sikat na boksingero ngayon. Huwag kayong magtataka kung daig pa ang protestang tigil-pasada ng mga organisasyon ng mga pampasaherong jeep o bus sa pinakaaabangang araw na ito. Nakatutuwang isipin na ayon sa talaan ng pulisya na bumaba ang kriminalidad sa bansa nang mga nagdaang laban ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Mabuti na lamang at ginawang Linggo sa Pilipinas (Sabado ng gabi sa Estados Unidos) kung hindi baka maraming hindi makakapasok sa kani-kanilang trabaho at nandyan na naman ang mga walang humpay na mga palusot tulad ng pagtatae, masakit ang ngipin, nilalagnat, at iba pang gasgas na diskarte ng mga empleyadong hindi pumasok para lang kumain ng tsitsirya habang masayang nanonood ng mga suntok ni Pacquiao sa loob ng ring.

Ang pinakaaabangan ko ay ang pagtatapos ng laban at ang pagsagot ni Pacquiao “you know” sa mga katanungan “you know.” Kilalang-kilala si Pacquiao sa buong mundo. Nang ako ay magawi sa ibang bansa partikular sa Singapore ay may nakilala akong grupo ng kabataang lalaki na nasa edad 14-21. Pawang mga taga Europa ang mga bagito at ang isa ay boksingerong taga-Englatera. Napagusapan namin ang huling laban ni Pakman kay Ricky Hatton. Masakit ang pagkatalo ni Hatton ngunit malugod na tinanggap ng mga ito at napabilib sila kay Pakman. Halos mapaiyak ako hindi dahil sa suntok kundi dahil sa pangingibabaw ng pagka-Pilipino ko. Nagsitayuan ang mga balahibo ko ng sila ay labis na humanga sa ating pambansang kamao. Naantig ang damdamin ko nang mas higit pa nilang kilala si idol kesa sa pagkakakilala ko. Nakatutuwang isinisigaw nila ang tulad nito, “From General Santos City…Manny Pacman…Pacquiao…….!”. Gayang-gaya nila ang tagapagsalita sa boksing.

Isa lang ang masasabi ko na bukod sa napakagaling ni Pacquiao ay siya lang ang kumakantang boksingero at wala pa akong naririnig na awiting mula sa mga nakalaban niya. Nakatutuwang panoorin din ang nanay niyang si Aling Dionisia na tinaguriang PacMom! Ang hangad ko lang sa tulad ni Pacquiao na hindi siya lolokohin ng mga nakapaligid sa kanya. Isa siyang tunay na bayani sa henerasyon ngayon na nararapat lang na pangalagaan upang mabigyan rin niya ng mga magandang motibasyon ang mga nagnanais na tularan siya. Nakatatak na sa buong mundo na ang Pilipino ay de-kalidad na boksingero, at kinatatakutan.



Ang tagumpay ni Pacman ay tagumpay ng bawat Pilipino! Sana makitaan namin ang paglampaso mo kay Cotto. Alam namin na iyong pinaghandaan ang laban na ito at kung anuman ang kahihinatnan ikaw pa rin ang pambansang kamao namin.