Lubos akong nagpapasalamat sa bahaging ito ng aking blog na naglalayong magparating ng mensahe sa bawat Pilipino o may pusong Pinoy na marunong magsalita, bumasa, at sumulat sa wikang Pilipino. Eto po ay isa sa espesyal kong artikulo at hanggat maari ay ayaw kong haluan ng salitang banyaga upang tayu-tayo lamang po ang nakaiintindi sa mga pahinang inyong nababasa rito. Gayunpaman, nais ko pong magpaumanhin dahil sa aking paggamit ng salitang Ingles sa unahan ng pamagat. Wala kasing angkop o naglalarawan ng tama sa aking nararamdaman sa salitang Tagalog. Hindi naman maaaring palitan ko ng salitang “pinaghahanap” ang salitang “wanted”. Mas nakapupukaw ng atensiyon and nasabing banyagang salita sa aminin man natin o sa hindi. Kunsabagay tinatanggap na rin natin ang wanted sa salitang Pinoy. Gayunpaman nais kong iparating ang aking nararamdaman sa larangan ng sining sa Pilipinas partikular dito and pelikula at palabas sa pangtelebisyon.

Ang akin pong tinutukoy dito sa artikulong ito ay ang napapanood nating gawang Pinoy na palabas. Sa inyo bang opinyon masasabi nyo ba na ang kalidad ng produksyon ng pelikulang Pilipino at teleseryeng natutunghayan natin at nakakasalo sa hapag-kainan ay masasabi ba nating angat o pumapantay sa mga pelikulang banyaga tulad ng gawang Amerikano at Koreano halimbawa? Wala po tayong masamang tinapay o kaning panis para pintasan ang sariling atin. Layunin lamang po nitong nababasa niyo na gisingin at ibahin ang konsepto ng mga taga-sulong ng sining sa ating bansa lalong-lalo na sa larangan ng pagtatanghal. Marahil maraming magagalit sa aking mga direktor, taga-panulat, at iba pang mga miyembro ng produksyon sa pelikula at programa sa telebisyon pero eto po ang masakit na katutuhanan. Hindi lang po pamumuna ang layunin ng kulom na ito kundi ay kung papaano nating magagawang angat ang Pinoy at masasabi natin sa ating sarili mismo na may pambato tayo na maaring ipagmalaki ng bawat Pilipino sa buong mundo.

Ang inyong abang-lingkod ay personal na nagsasawa na sa mga palabas na gawang Pilipino. Masakit po na katutohan pero ito po ang aking nararamdaman. Napaka-corny po ng palabas! Nakakasawa na, dumudugo na ang tenga’t mata ko at nangangati nang pindutin ang remote control ng 32-inches flat screen TV ko na Panasonic ang tatak para ilipat sa AV at manood na lang ng paulit-ulit na “Ironman” at “Resident Evil-The Extinction”. Sa maniwala kayo’t sa hindi pangsampung ulit ko ng pinanood ang Ironman at limang beses ang Resident Evil. Minsan mas minamabuti ko nang pihitin ang switch-off button para patayin ang telebisyon upang makatipid sa enerhiya kesa manood ng walang kwentang palabas sa local channels. Kung ihahalintulad sa pagkain ay para pong lugaw na walang asin at sahog na umuorong ang sikmura ko kapag nakikita o naaamoy ko pa lang, iyan po ang pelikula at programa na napagiiwanan ng mga dekalidad na programang banyaga.

Hindi po natin masisisi na hindi po tayo makapagtanghal ng kagaya ng mga napapanood nating pelikula na galing sa Hidalgo sa may Quiapo na kahit malabo ay pilit nating pinanonood kesa ang malinaw na resepsiyon ng local tv programs.

Eto po ang akin dito, sana may maisip ang mga prodyuser, direktor, at script-writer na bagong konsepto sa larangan ng pagpapalabas. Bago yan, nais ko pong iparating sa inyo na hindi naman po lahat ng programa o pelikulang pinoy ay lasang lugaw. Saludo ako sa mga gag shows natin, mga dokumentaryo na halata pong pinagsikapan ng mga batikang tagasaliksik, reporter, at ang mga bumubuo nito. Wala rin po akong masasabi sa mga tagapagbalita natin! Ang akin lamang po na bigyan ng diin dito ay ang mga teleserye natin, mga drama na halatang alam na natin ang mangyayari sa huli kundi mamatay ang isang bida o ang kontrabida ay magkakasundo sa huli. May mga lumilipad at kung anu-ano pang mahika pero halata namang nakatali ang superhero at napaka-obvious ang mga effects. Sana naman kung ang layunin nila ay pambata ang manonood ilagay na lang sana nila ang programa sa pambatang oras. Siguro mapapa-wow ang mga bata pero habang tumatanda ka napapa-yuck ka na sa ganitong uri ng palabas! Sa larangan ng romantikong palabas o ang love-stories napaka-sweet ng mga magkaparehas kahit ang manoood ay halos langgamin na sa ipinapakita nila at kapag aksiyon puro naman barilan. Ang ibig ko pong iparating ay sana naman may magandang takbo ang istorya at may mapupulutan ng aral. Well, hindi ko po sinasabi na lahat ng palabas sa atin ay ganun po pero masakit isipin na karamihan ay nakakasawa ng panoorin.

Noon po ay pumatok ang Mexican-novela at ngayon naman po ay Korean-novela at may Taiwanese boy-band pa na pinagkagastusan nating papuntahin sa Pinas. Ganun na ba kadesperado ang Pilipino? Sayang naman po ang husay ng mga artista natin kung ang script na ginagampanan nila ay hanggang doon lang. Napansin ko na may magandang istorya ang mga kumakagat sa panlasa ng tao mapa-Pilipino man o hindi. Hindi ko po sinasabi na kailangan nating mala-Saving Private Ryan ang mga action movies natin at mala-Ironman ang superhero natin. Kung hindi po natin kayang kumuha ng mga expert sa cinematic effects at sa computer graphics pupwede naman po tayong gumawa ng pelikula o programa na hindi kinakailangang magpakita ng ganun. Kung saan tayo mahusay duon po natin pagyamanin. Kung mahina po tayo sa larangan na iyon ay mas mabuti pang kalimutan na lang natin. Pagyamanin na lang natin ang kwento o ganda ng takbo ng istorya. Mas mabuti pa ang mga indie films at nakakahakot ng maraming parangal na may pagkilala sa buong mundo tulad ng “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” at “Kubrador”. Natutuwa ako sa palabas na pinamagatang “The Echo” isang Hollywood film na hango sa “Sigaw” isang horror film na gawang Pinoy.

Kung mapapansin po ninyo sa aking panulat na hindi lamang po pamumuna ang aking komentaryo kundi may pagkilala, pagpupugay sa mga magagandang pelikula at programang gawang pinoy na nararapat lamang parangalan. Maliban sa mga ito may mga ibinahagi rin po akong ideya o suhestiyon para mapaunlad ang magandang sining ng bansa sa larangan ng pagtatanghal. Ako po ay isang Pilipino at ayaw ko po na magwawalang-bahala na lamang sa mga nangyayari sa ating bansa. Lahat po tayo ay magkaisa para isulong at itaguyod ang magandang pangalan ng Pilipinas. Mahal ko ang bayan ko!