Alam ng nakararaming Pilipino at ngayon sa buong mundo ang karumaldumal na pamamaslang sa 57 katao kabilang ang maraming mamamahayag sa Maguindanao. Ito na ang tumalo sa tala ng pinakamaraming namatay na mamamahayag sa buong mundo sa iisang insidente at tinalo ang Iraq sa bilang na ito.

Nakilala ang Pilipinas sa maraming larangan at gayundin ang masasamang balita. Ito na ang isa sa mabigat na sumisira sa imahen ng ating bayan. Lahat na yata ng kaganapan na nakasasama sa ating bansa ay doon po tayo nakikilala. May mga nakakausap ako na taga-ibang bansa na nagsasabi ng mga negatibo tungkol sa ating bansa lalo na sa dakong katimugang bahagi, ang Mindanao. Kilala tayo na nagkakanlong ng mga terorista at ngayon naman ay naiuugnay ang karahasan na may kinalaman sa pulitika. Mukhang natabunan na ang mga magagandang parangal na naigagawad sa ating bayan. Masarap isipin na Pilipino ang unang nakapagtala ng pitong titulo sa boksing sa iba't-ibang dibisyon at nakatutuwang malaman na ang naitanghal na CNN Hero ay walang iba kundi isang Pilipinong bayani datapwa't masakit namang isipin na binahiran na naman ng isang madugong karahasang lumipol sa mga inosenteng biktima dahil lamang sa paghahain ng kandidatura ng isang pulitiko. Halos maubos ang angkan ng Mangundadatu kasama ang maraming mamamahayag na sumama para maghain sana ng kandidatura.

Nasaan na ang pagiging Kristiyano at Muslim nating mga Pilipino? Wala na yatang habag na kahit anumang relihiyon o paniniwala ay pare-pareho lamang na alam natin na ang pagkitil ng buhay ay isang masamang gawain. Nakalulungkot malaman na dahil sa away pulitika itinumba ang halos umabot sa animnapung katao. Marahil sa kadahilanan na mahihirapang mangdaya ang katunggali sa pulitika hindi na nila naisip na mahuhuli rin sila. Hindi na inisip ang maaaring kahahantungan ng kanilang pagpatay. Dapat sa kanila ang makulong at mabitay hindi gawain ng matinong tao ang ganitong karumal-dumal na krimen.


Bukas, ika-15 ng Nobyembre ay inaasahan sa buong Pilipinas ang pagbaba ng krimen. Kung kayo ay may lakad sa araw na ito maniguro na isaayos ang inyong skedyul dahil baka mahuli kayo sa bakbakan ng dalawang sikat na boksingero ngayon. Huwag kayong magtataka kung daig pa ang protestang tigil-pasada ng mga organisasyon ng mga pampasaherong jeep o bus sa pinakaaabangang araw na ito. Nakatutuwang isipin na ayon sa talaan ng pulisya na bumaba ang kriminalidad sa bansa nang mga nagdaang laban ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao. Mabuti na lamang at ginawang Linggo sa Pilipinas (Sabado ng gabi sa Estados Unidos) kung hindi baka maraming hindi makakapasok sa kani-kanilang trabaho at nandyan na naman ang mga walang humpay na mga palusot tulad ng pagtatae, masakit ang ngipin, nilalagnat, at iba pang gasgas na diskarte ng mga empleyadong hindi pumasok para lang kumain ng tsitsirya habang masayang nanonood ng mga suntok ni Pacquiao sa loob ng ring.

Ang pinakaaabangan ko ay ang pagtatapos ng laban at ang pagsagot ni Pacquiao “you know” sa mga katanungan “you know.” Kilalang-kilala si Pacquiao sa buong mundo. Nang ako ay magawi sa ibang bansa partikular sa Singapore ay may nakilala akong grupo ng kabataang lalaki na nasa edad 14-21. Pawang mga taga Europa ang mga bagito at ang isa ay boksingerong taga-Englatera. Napagusapan namin ang huling laban ni Pakman kay Ricky Hatton. Masakit ang pagkatalo ni Hatton ngunit malugod na tinanggap ng mga ito at napabilib sila kay Pakman. Halos mapaiyak ako hindi dahil sa suntok kundi dahil sa pangingibabaw ng pagka-Pilipino ko. Nagsitayuan ang mga balahibo ko ng sila ay labis na humanga sa ating pambansang kamao. Naantig ang damdamin ko nang mas higit pa nilang kilala si idol kesa sa pagkakakilala ko. Nakatutuwang isinisigaw nila ang tulad nito, “From General Santos City…Manny Pacman…Pacquiao…….!”. Gayang-gaya nila ang tagapagsalita sa boksing.

Isa lang ang masasabi ko na bukod sa napakagaling ni Pacquiao ay siya lang ang kumakantang boksingero at wala pa akong naririnig na awiting mula sa mga nakalaban niya. Nakatutuwang panoorin din ang nanay niyang si Aling Dionisia na tinaguriang PacMom! Ang hangad ko lang sa tulad ni Pacquiao na hindi siya lolokohin ng mga nakapaligid sa kanya. Isa siyang tunay na bayani sa henerasyon ngayon na nararapat lang na pangalagaan upang mabigyan rin niya ng mga magandang motibasyon ang mga nagnanais na tularan siya. Nakatatak na sa buong mundo na ang Pilipino ay de-kalidad na boksingero, at kinatatakutan.



Ang tagumpay ni Pacman ay tagumpay ng bawat Pilipino! Sana makitaan namin ang paglampaso mo kay Cotto. Alam namin na iyong pinaghandaan ang laban na ito at kung anuman ang kahihinatnan ikaw pa rin ang pambansang kamao namin.